Tuesday, January 22, 2008


ANG BANDA 88, "Musikong Luma" at ang mga Kasapi
ng Santa Maria, Bulacan (Isang Bi-Lingual na Sanaysay)

"Ayon sa mga tagpi-tagping k'wento ng mga malapit na kamag-anak at laging tapat (mga panatikong miron) na nagmamahal sa samahan, ang Banda 88 ay itinayo noon pang circa 1888."

Kung magkagayun man, dito marahil kinuha ang katagang "Musikong Luma". Maaring totoo at maaring may kaunting pagkakamali sa tunay na k'wento ng mga pangyayari. Kung kailan talaga itinatag ang kauna-unahan at orihinal na Banda ng Bayan ng Santa. Maria,Bulacan. Ang bagay na ito ay walang sinumang nakakatiyak. Ang makakapag-patibay lamang nito ay ang mga lumang instrumento, lumang tugtugin, mga tagahanga at taga-pakinig na sa tuwina ay nakasunod sa mga "Serenata". Ang mga iba't iba pang bagay at mga gamit sa pagtugtog na tunay na matagal na nga ang samahan ng banda ito. Di mapapa-sinungalingan na isang institusyon ang Banda 88 o "Musikong Luma".

Kung sinuman sakali na magpapatunay sa makababasa nito na makapagpatotoo sa tunay na kasaysayan ng payak na pinagmulan ng unang Banda ng Santa Maria ay mangyari lamang na makipag-ugnayan sa may akda nito.

Sa aking pananaw, hindi ito marahil ang mahalaga. Ang isang bagay na dapat isipin ng bawa't isa ng mga kababayan ko ay ang pagiging kabahagi ng banda 88 sa bawa't kabanata ng buhay ng bawa't mamayang taga Santa Maria.

Mula pa lamang sa pagkasilang, binyag, kumpli-anyo, kaarawan (birthday), graduation, anibersaryo, kampanya sa halalan, pistahan, undas, kapaskuhan (Simbang Gabi),kapistahan, Mahal na Araw (Pabasa ng Pasyon at Prusisyon),Santa Cruzan at Flores de Mayo hanggang sa libing ninuman o anumang kasiyahan o pagtitipon, kabahagi natin ang ating Banda 88.

Kagaya nga ng pag-aanyaya sa Pistang Bayan, gaya ng Pista sa Antipolo at Pista ng Quiapo o ang Pagdiriwang ng Kapistahan ng bawa't malaki at maliliit na purok ("Flores de Mayo"), kadalasan pag may pagkakataon ang Banda 88 ay naa-anyayahan sa pagdiriwang nito.

Bago pa man nauso ang mga Hi-Tech Gadgets (radio,TV, movies,video games,computers, celfon at smartphone, ipod at isama mo na ang pagmo-malling bilang entertainment na sa ngayon ay kinalolokohan nating mga Pinoy, narito na ang Bandang ito upang magbigay ng kasiyahan sa bawa't pagtitipon.

Hanggang sa ngayon pinagsisikapan ng bawa't kasapi na magsaliksik, lumikom ng mga k'wento at mga mahahalagang bagay na makakatulong sa tunay na kasaysayan ng pinagmulan ng Banda 88.

Sa aking karanasan bilang lumaki, naging kasapi at naging Maestro din ng Banda 88 noong dekada '80, narito ang ilang kwento mula sa aking mga kamag-anak, mga lolo at lola namin (de la Vega Sisters), malapit na kaibigan at mga nakakilala, nagmamahal, naniniwala at nagmamahal sa tunay na Sining ng Musika narito ang ilan sa mga paglalahad nila.

Mula sa palagiang kwento sa aming magkapatid na Kuya Jess, Diko Adong, Ako (Maestro Memen, Molly, Delia at Boy(Boy Piccolo) ng aking Lola Edes ( the late Mercedes de la Vega) noong sya ay nabubuhay pa at si ka Mario Inocencio,isang barbero at trumpet player ng Banda 31, ang mga naunang mga nagtaguyod daw ay sina Ingkong Tolo bilang Maestro, si Lolo Pedro (not Pedro"Pulupot"Jose) bilang matikas na Band Major, si Ka Kadyong Itim (Arcadio Jose)bahista, bilang Compositor, Maestro at Conductor din,na nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral ng musika sa Sto. Domingo (mga paring Dominicano) at kilalang mahusay na organista sa simbahan at gumawa ng mga ilang "pollo music" at Canta Misa, na hanggang sa ngayon pag may pagkakataon ay tinugtog ng Banda 88 ng walang anumang kaharap na p'yesa, saulado ng bawa't isa ang kanilang mga parte o nota, lalo na ang mga datihan at matatandang kasapi nito. Matiyagang itinituro o ipinamana naman sa mga baguhan sa pamamagitan ng pag-ouido (by ear), kagaya nga ng "Prinsesa Indiana", isang overtura. Na walang sinumang makatiyak kung sino ang tunay na lumikha ng tugtuging ito.

Noong Dekada '70, kapanahunan ng "Martial Law",ang Banda 88 (Musikong Luma)sa pagtuturo at pagkumpas ni Ka Carding Bulilit (Maestro Ricardo Quiambao,kilalang magaling na soloista sa trumpet ng kapanahunan nya. Ang ilan sa likha nya ay ang "Tapis Mo Inday" Theme & Variation for Solo Trumpet at "Tatlong Binata" Theme & Variation for Trio Trumpets), Cecilia-Catherine isa ring martsa ay tunay na aktibo sa tugtugan sa iba't-ibang lugar ng bansa.

Itong dekada rin na ito na sa matiyagang pagtuturo ng aking Tiyo Pepe (Jose Alfonso)na ginaganap sa Paltok, Likod Simbahan at ang pangkat naman ng Tanaga sa Calderon na ang taga pagturo ay si Maestro Carding Bulilit din. Dito rin sa panahon na ito nalikha ni Maestro Carding ang Paltok-Tanaga March at Cecilia-Catherine March na hanggang sa ngayon ay tinutugtog ng Banda 88 at maririnig sa ibang mga Banda ng karatig pook.

WATCH THIS VIDEO: Ang Banda 88 at ang "Dakilang Bayan", Santa Maria, Bulacan

Sumibol ang mga bagong henerasyon (NEW BEAT 88 "EL TIEMPO NUEVO") na mahuhusay na manunugtog na mga kasapi nito sa ngayon. Ginagawa ito tuwing bakasyon ("a summer music-program") at ang kaugaliang ito ay patuloy pa ring sinusundan ng bago pang mga tagapagturo.

Sa panahong din ito nakilala ang Banda 88 sa pag-tugtog ng "Lahing Kayumanggi", isang Symphonic Poem ni Lucio San Pedro. Di man pinalad ang Banda 88 na magwagi bunga ng dayaan sa National "Balik-Banda Contest" na ginanap sa Olongapo at Abucay noon.Ang paligsahang ito ay itinataguyod o sponsored ng San Miguel Corporation.

Di maitatanggi ang kanilang husay sa pagtugtog tuwing ipaparinig nila ang tugtuging ito. At isa ito sa kanilang pangunahing tugtugin o "signature repertoire" tuwing may Concierto o Serenata sa Pistahan o sa anumang kasiyahan at pagdiriwang.

Sa ngayon ang Banda 88 ay nasa pagkumpas (Resident Conductor) ni Maestro Arnel Jacinto, isa sa aking pinsan. Sinundan nya si Noli "Boyok" Antonio, na isa rin sa mga pinsan ko at mahusay na maestro at baritone player at trombonista.

Sa katunayan ang Banda 88 ang kampeon sa taunang Paligsahan ng mga Banda sa Muntinlupa,Rizal sa ngayon.Dalawang taong na nilang hawak ang pagiging kampeon sa patimpalak na ito.

Sa pamamagitan ng pagmumusiko ng mga kabataang taga Sta.Maria, ito ay nagiging tulong financial sa kanilang pagpapatuloy ng pag-aaral nila hanggang sa kolehiyo bilang scholar,tulad ko noong nasa UP (University of the Philippines) pa ako. Marami na rin sa amin ang nakapagtapos ng pag-aaral gamit ang pagsama at pagtugtog sa banda ng paaralan (School Band) na kanilang napili.

Ang ilan sa mga kasapi na nasa labas ng bansa na aktibo pa rin larangan ng pagtugtog ng musika ay si Raul "Boy" Capili (trumpet) na kasama sa Hongkong Disneyland Band at ang kanyang kapatid na si Edgar Capili (saxophone) na nakabase sa Singapore, si Vic "Pungay" Bongat (multi-instrumenalist & a session musician) na nasa Vancouver, Canada na kasapi ng grupong "Rumba Calzada" . Kami, ang Belarmino Brothers kasama ang aming pinsan na si Lodi de la Cruz (trumpet) na narito sa San Diego, CA USA.

Ang Banda 88 ay kabahagi ng isang tradisyon, kaugalian na humuhubog ng isang kultura at kasaysayan ng isang dakilang bayan at ng mga mabubuting mamayang taga Sta.Maria. Isang institution na di dapat bigyang walang halaga ng sinumang namumuno ng bayang ito.

Sa larangan ng pulitika, malaki ang naitutulong nila sa bawa't kandidatong gustong manalo sa halalan, maupo at makamit ang pangarap nilang kapangyarihan o sa tunay na pamumuno man.
Naniniwala ako na pangalawa sa edukasyon (after education) ang paghubog ng talento ng isang tao lalo na sa larangan ng Musika at anumang Sining upang maging matagumpay ang isang tao.

Sa mga bagong kasapi ng Banda 88, binabati ko ang inyong pagsisikap na maitaguyod ang ating banda at isipin na ang alagad ng Musika ay dapat ipagmalaki sapagka't tumutulong ito sa paghubog ng isang mabuting mamayan ng lipunang kanyang ginagalawan.

At sana sa mga sumunod pang mga panahon at saling-lahi narito pa rin ang pagmamahal sa ating unang Banda ng bayan, ang Banda 88...ang Musikong Luma ng Sta.Maria, Bulacan.--Maestro Memen Belarmino